Rumour has it…

Aligagang pumasok si boss sa kwarto namin para lang sabihin.

Boss: Oy tignan ninyo to. (sabay abot ng 3 libro galing sa kalabang kumpanya) Gawa ka nga ng ganito Chez.

Dahil pinanganak akong pakilamera 

Ako: Ano yan maam, patingin nga po. (Sinipat at binuklat ang mga libro). Ah nakita ko na to, yan joke book yan tapos yang isa parang libro na ewan.

Boss: Yan daw mabenta ngayon, gawa nga kayo niyan.

Ako: Maam dapat may ibang writer yan (libro na ewan). Kasi libro na po yan chaka dapat yung magaling at may sense.

Boss: (Walkout.)

                ***

Si boss naman kung makapagsabi ng mga bagay akala mo nagbudbod lang ng magic sarap sa ginisang namnam.

“Oh gawin mo yan ah eto libro dapat ganyan ah” o tignan mo toh dapat may ganyan ka din”. Kahit suntok ni Mayweather ang pinagagawa niya, kailangan makeri mo. Kung joke book lang yun, text quotes, o kahit ano may tulong ng internet pwede. Anong ginagawa ni Google diba? Pero libro un ma-men, libro. Librong katulad/nahahawig/may hagod/may tadyak ng tulad ng kay Bob Ong/Eros Atalia/Ricky Lee/Lualhati Bautista/ng ibang magagagaling na writer ng bansa. Libro na huhulma ng mga kaisipan at kalinangan ng isang indibidwal. Syempre kailangan worth it diba? Dalawang beses na kong nagoyo ng mga ganyang libro, nakukuha sa mga magagandang teaser sa likod tapos unang pahina palang mapapa-tsktsk.. kana, dahil sayang ang isang daan at limampung pisong ginastos mo para sa isang libro. Mabuti pa ang tanduay ice may kakaibang kick eh pag mga ganung libro parang gusto mong bigyan ng kick yung nagsulat.

Oo ako na, sige na nagmamagaling na naman ako. Ang gusto ko lang naman i-punto kung maglalabas ka rin lang ng libro ng katulad/nahahawig/may hagod/may tadyak ng tulad ng kay Bob Ong/Eros Atalia/Ricky Lee/Lualhati Bautista/ng ibang magagagaling na writer ng bansa dapat yung may sense na. Hindi yung puro nakakatawa lang, hindi yung puro obvious na, hindi yung pilit dapat kabogable din, parang Pak na Pak. Kumbaga, pagkatapos mong basahin eh mapapaisip ka na, ah oo nga dapat pala ganun, paano nga kung ganito. Yun bang gagana yung isip mo. Yung magsta-stay sa utak mo at may mapupulot kang pwede mong mai-apply sa buhay at hindi yung pwede mong i-apply sa pwet mo pag wala kang tissue. Yung may pinatutunguhan ang kung anu-anong gusto mong i-punto o iparating sa mambabasa mo. Yung may salik ng lipunan na ginisa sa maalam sa naturang larangan at nilagyan ng pampalasang makakakiliti sa isip ng mambabasa na ang resulta… mainit-init na makabuluhang libro. Madaming libro ang nasa merkado na sa kaparehong kategorya (fiction/literatura) parang isda lang sa palengke may iba-ibang hinahain sa mga mamimili. Pero alin nga bang isda ang hindi lasang gilik? Hindi mo malalaman ang lasa hanggang di mo nabibili.

Bilang isa sa milyong-milyong mambabasa syempre syempre mi amore gugustuhin mong palabasan ng natitira mong pera yung librong talaga namang may pitik sa utak mo. Sa dami-dami-dami-dami-daming librong nasa kaparehong kategorya hindi ka magkakamayaw sa pagpili ng magandang libro. Kung libangan lang din naman ang hanap mo eh pwede kang bumili ng joke book o sumakay ka ng tsubibo o bumili ka ng ice cream para happiness!

Pero sa isang libro?!?.. LIBRO!!! amigo/amiga… 

Dapat mong piliin eh yung may mapupulot ka na makakatulong sa’yo sa anumang paraan.

***

(Bumalik si boss sa kwarto)

Boss: Chez pag-aralan mo yan, tignan mo kung kaya mo. Hanapin mo yung maganda dyan kasi yan daw ang mabili. Kung titignan mo yung pangit talagang pangit, hindi tayo makakapaglabas ng libro.

Dahil isa akong malaking epal.

Ako: Boss kung maglalabas din tayo ng ganyan din (libro), anong pinagkaiba natin sa iba? Dapat po yung magiging writer natin eh kahit papaano eh may panghatak sa iba dahil may kabuluhan yung sinusulat niya.

Boss: (Walkout again)

***

Si boss naman gusto pa yatang palitan si Gretchen Baretto sa pagiging walkout queen. Gusto ko lang naman i-stress na hindi porket may ganun yung iba eh gagaya ka na, maglalabas ka na. Kung gagaya ka rin lang dapat mas angat ka diba? Paano ka aangat kung pareho lang din ng iba ang libro mo na sooner o later ay ipambabalot na lang ng tinapa sa palengke. Hindi naman yan basta libro na pampakabag o pampakilig o pwedeng ipang hirit sa pinopormahan, libro yun na gaya ng kina Bob Ong/Eros Atalia/Ricky Lee/Lualhati Bautista/ng ibang magagagaling na writer ng bansa ang gusto mong ilimbag. Dapat worth it naman. Sayang ang punong ginagawang papel, ang tinta, ang oras at pagod ng manunulat. Sayang din ang pera, pagod at oras ng mga taong bibili sana pagkain nalang nabusog pa ako..

Tapos, tapos, tapos wala naman pa lang kakaiba. Hindi ako magaling na manunulat, hindi din ako magaling na kwentitista pero bilang isang mambabasa gusto ko yung mga manunulat na hindi lang mema… mema-isulat lang, hindi yung puro pacute lang, pa-angas lang, pa-smart effect. Dapat magaling talaga at dapat may sense at may gustong iparating sa mambabasa. Yun! yun ang kailangan ngayon. Para naman maengganyo ang mga kabataan at lahat ng tao sa lipunan na pag-aksayahan ng pera at oras ang pagbabasa. Dahil may mga nalilimbag na babasahin na makabuluhan.

Madami na ngang mambabasa na mas pag-aaksayahan ng ilang libo piso ang mga banyagang babasahin kaysa sa sariling atin. 

Bakit? Tanungin natin sila.

Kung tutuusin ang daming magagaling na manunulat na nagkalat sa bansa kaso di sila nabibigyan ng pagkakataon. Marahil/Dahil/Siguro natatabunan ng mga manunulat na produkto ng mga manlilimbag na ang gusto ay kumita. Wala namang mali duon ngunit/subalit/datapwat ganun man ang kalakaran kailangan pa rin natin ng aklat na magsisilbing tagamulat, gabay, at tagadagdag kaalaman sa kasalukuyan. Dahil nawawalan na ng saysay ang mga akdang magaganda, nawawalan ng kwenta ang libro, nawawalan ng kwenta yung ang mga manunulat na may K talagang magsulat.

Natapos ang usapin sa isang walkout, sureness na-badtrip si boss. Ako? Ayos lang atleast tingin ko kahit papano nasabi ko yung nasa isip ko. “It’s not you, it’s me.” Nasabi ko na kung gusto niyang maging iba gumawa ka ng iba o kung kapareho man ng iba dapat nakakaangat ka sa iba dapat kakaiba. Hindi yung kapareho lang ng iba. So alin ang naiiba?

Wala namang pa lang pinagkaiba.