THE BATTLE’S JUST BEGUN

Tirik na tirik ang araw.

Ang layo na nang nalakad ko, hingal kabayo na at tagaktak na ng pawis sa buong katawan, ngunit hindi ko kailangang huminto… Hindi ngayon, hindi kailanman.

Kahit pagal na ang munti kong katawan hindi ako dapat sumuko.

Sa kalagitnaan ng aking paglalakad, isa-isang may humarang sakin, suntok, tadyak, palo ang inaabot ko, bakit? anong kasalanan ko? impit na usal ko. Ini-angat ko ang aking kamay para lamang mabigwasan lang ng pagkalakas-lakas, dahilan upang masubsob ang mukha ko. Walang nagawa ang mga pagsalag ko, hindi sila nakuntento hanggat hindi nila nakitang lugmok na ako at namimilipit sa sakit. Hindi ko magawang makaganti, namamanhid ang buong katawan ko. Kailangan kong lumaban sigaw ng isip ko, ngunit kung hihinto ako sayang ang oras malayo-layo pa ang lalakarin ko. Minabuti kong tumayo, kahit nanginginig ang buong katawan, pinilit kong tumayo at magpatuloy. Naririnig ko ang kanilang halakhak at sigaw.

Hindi inda ang sakit at kirot na dulot ng mga sugat, bugbog at pasang natamo mula sa mga kalaban…

Nagpatuloy akong maglakad, wala pa ako sa kalahati ng maramdam ko na masakit na ang aking paa, namimintig at parang hindi na ma-iangat sa lupa.

Asan ka na ba?, usal ng isip ko.

Nagpahinga ako saglit, ngunit lalo ko lamang naramdaman ang tindi ng sakit.

Asan ka na? Asan ka na ba?

Ang mahinang usal ay palakas na ng palakas… na naging palahaw… ASAAAAAAAAANNN KA NAAAAAA?!!!!, ngunit wala akong narinig mula sa iyo

Binalot ng katahimikan ang buong paligid, wala akong makita ni isa, hinanap kita, hinahanap ka ng puso ko, umaasam sa mga pinangako mo.

Huwag ngayon please… huwag ngayon…

Malapit ng bumigay ang katawan at isipan ko,

Hindi, hindi pwedeng magtagal ng ganito, kailangan kong magpatuloy, kailangan… Hindi ngayon, hindi kailanman. Alam ko, hinihintay mo ko sa dulo, umaasam ang puso ko na hinihintay mo ako, hindi mo ko matitiis alam ko, hintayin mo ko… Kakayanin ko to’.


Marami pa akong dadaanan bago makarating Sa’Yo, marami pa kong laban haharapin. At alam ko habang papalapit ako Sa’Yo mas maraming sugat, hapdi, bugbog, at pasa ang dapat kong tiisin. Alam ko, lahat ng pagal, sakit, hirap ay mawawala kapag yakap mo na ako, lahat yan kakayanin ko, hindi na kailangan pa ng salita, hiling ko lang SA’YO huwag mo kong bitawan.. at di rin ako bibitaw. “Hindi ngayon, hindi kailanman.”